Ako si Gregorio F. Tolentino, limampu’t siyam (59) na taong gulang, na kasalukuyang naninirahan sa barangay J.P. Brillantes, Siocon, Zamboanga del Norte. Ako po ay nakapagtapos ng kolehiyo bilang Mechanical Engineering sa paaralang Western Mindanao State University- Zamboanga City noong 1983. Ngunit isang malaking dagok sa aking buhay ang naglihis sa akin sa aking mga plano at binigyan ako ng bagong direksyon sa buhay.
Sa kasamaang palad naaksidente ako noong ako ay makapagtapos ng pag-aaral. Napuruhan ang aking ulo at kinailangang operahan at buksan ang aking bungo. Noong mga panahong iyon, akala ko hindi na ako makakabangon pang muli. Namatay ang aking pangarap na maging engineer dala na rin ng naapektuhan ang talas ng aking pag-iisip.
Pero napakaswerte ko pa rin dahil nakaligtas ako at unti- unting nanumbalik ang aking kalusugan. Hindi na ako nakakuha ng board exam para sa Mechanical Engineering dahil sa kinakapos na ang aking mga magulang at parang hindi na rin kaya ng aking utak.
Pinapagpatuloy ko na lang ang aking buhay na maglingkod sa Diyos. Nagtuturo ako sa mga Youth Choir at nagtugtog ng gitara sa simbahan mula pa noong 1992 hanggang sa kasalukuyan. Hanggang sa nakita ko ang aking asawa na kasamahan ko sa “Singles for Christ” at Parish Choir. Mula noon, nagpakasal kami upang bumuo ng aming sariling pamilya noong 1998. Biniyayan kami ng apat na anak na puro malulusog, mababait at higit sa lahat may takot sa Diyos.
Bilang isang ama mahirap ang aking tungkulin dahil sa wala akong regular na trabaho. Pero alam kong hindi ako pwedeng maghintay lang. Kaya naman naisip kong gumawa ng mga tinapay at kakanin. Naglalako lamang ako ng mga kakanin sa mga paaralan, munisipyo, ospital, pribadong establisimiento at sa palengke. Magsisimula akong maghanda ng mga kakanin tuwing alas- 7:00 ng gabi at matapos ng hating gabi at gumigising naman ako kinabukasan ng alas- 4:00 ng madaling araw upang simulan kong lutuin ang aming mga paninda. Sa lahat ng ito, kasama ang aking buong pamilya at tinutulungan nila ako. Sa araw araw, ito ang ang aming mga ginagawa at masaya kami. Matapos magluto at maihanda na ang aking paninda mga bandang alas 8:00 ng umaga ay magsisimula na akong maglalako ng aking paninda gamit ang aking motorsiklo hanggang maubos ito. Naglalakbay ako sa mga matataong mga lansangan sa paligid ng bayan, sa mga manggagawa sa opisina, mga paaralan at sa palengke.
“Sa experience ko sir, napansin ko na mas nabebenta ang mga paninda ko kapag naglalako ako kumpara sa maghanap ako ng pwesto. Ayokong maghintay lang,” ani ni Tatay Gregorio.
Kilala ako sa aking magiliw na kilos at masarap na handog na mga awitin. Isa ito sa mga stratehiya ko para maengganyo ang mga customer na bumili. Kinakantahan ko sila para matuwa sila at bumili sa akin. Umulan at umaraw ay nagtitinda ako dahil ang aking kita ay para sa pag-aaral ng aking mga anak at iba pang mga pangangailangan sa pang araw-araw.
Pag ubos na lahat ang aking mga paninda, inilalaan ko naman ang aking panahon sa aking munting sakahan (ricefield) at paghahardin sa likod ng bahay. Dito kinukuha ang aming suplay na gulay na siyang pagkain naming sa araw-araw. Minsan sa sobrang dami inilalako ko rin ito sa aming mga kapitbahay.
Tuwing sabado, ako naman ay nagtuturo ng choir sa simbahan at pagka linggo sama sama kaming magsisimba ng aking buong pamilya. Ako ang taong maraming alam na diskarte sa buhay. “Jack of all Trade but master of none”,ito katagang nababagay sa aking sarili basta wala akong inuurungang trabaho dahil ayaw kong magutom ang aking pamilya.
Noong 2016, isa akong community volunteer sa KALAHI CIDDS CYCLE-1 at napiling BSPMC ng aming barangay na kung saan ang aming proyekto ay “Construction of 1-Unit Single Barrel R.C Box Culvert noong 2016. Masaya ako at ako’y napili bilang chairman kahit wala man akong karanasan sa gawain ng KALAHI nagpapasalamat pa rin ako dahil may tiwala ang aming Community Facilitator at ang aking mga kapwa mamamayan sa komunidad. Bilang BSPMC marami akong mga trainings at seminar na nasalihan at ipinapasalamat ko ito dahil marami akong natutunan. Ako rin ay kasali sa Farmer’s Association sa aming kumonidad mapa hanggang ngayon.
Sa ngayon, ang aking kita sa paglalako ay siyang sumusuporta sa aking pamilya. Natutuwa ako dahil dito, napagtapos ko ang aking mga anak sa pag-aaral.
Ito ang aking panganay na anak na nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Secondary Education major in MAPEH.
Ezanna Dreg: “Ang edukasyon ang pinakamakapangyarihang sandata para sa pagbabago ng mundo.”
Ang aking pangalawang anak na si Kenneth Dreg, 24 taong gulang. Nakapagtapos ng Bachelor of Science in Secondary Education major in MAPEH sa Jose Rizal Memorial State University- Siocon campus at kasalukuyang tagapangulo ng Sanggunian ng kabatan sa aming kumonidad.
Ang aking ikatlong anak na si Mikylla Venice Dreg, 20 taong gulang at kasalukuyang nasa 2nd year College at kumukuhang kursong Bachelor of Science in Business Administration sa Jose Rizal memorial state University-Dapitan City.
Ang aking bunsong anak na si Driza Dreg, 16 taong gulang at kasalukuyang Grade 11 ng Senior High School sa paaralang Siocon National Science High School.
Ang 4Ps ay ang aming gabay sa ngayon, ito ang aming katuwang sa pag-aaral ng aming mga anak at sa aming pangka kalusugan. Ako at ang aking buong pamilya ay malugod na nagpapasalamat ng marami sa programang ipinagkaloob ng gobyerno dahil napakalaki pong tulong sa aming mga mahihirap na may mangarap para sa aming anak.
You must be logged in to post a comment.