Ang mga nakatatanda ang gumagabay sa mga kabataan tungo sa tamang landas na kanilang tatahakin. Dahil sa kanilang mga mayamang karanasan sa buhay at kaalaman, mas nagagabayan ang mga kabataan sa kung ano ang dapat at hindi dapat na gawin ng isang tao.

Ngunit sa panahon ngayon, ang mga kabataan ay mayroon na ring boses na gusto nilang iparinig sa mga nakatatanda. Ang mga boses na ito ay sumisigaw ng karapatan at kamalayan ng mga kabataan sa iba’t-ibang isyu na kinakaharap ng mga kapwa bata.

Sa isinagawang National Children’s Congress (NCC) na parte ng National Children’s Month Celebration o pagdiriwang ng buwan ng mga bata na ginanap sa Mandaue City, Cebu kamakailan, nagtipon-tipon ang mga mahuhusay na batang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD.

Sa aktibidad na ito, naiparinig nila ang kanilang mga opinyon at damdamin tungkol sa mga pangyayari na nakakaapekto sa mga gaya nilang bata. Kabilang sa mga nakinig sa mga boses ng kabataan ay ang Undersecretary ng DSWD na si Vilma Cabrera kasama ang bisita mula sa 4Ps Partylist.

“May karunungan sa boses ng mga kabataan.” Ito ang naging pahayag ng Regional Program Coordinator ng 4Ps na si Flordeliza A. Atuy matapos makilala ang ilang mga Exemplary 4Ps Children mula sa iba’t-ibang probinsya ng Zamboanga Peninsula.

Dahil dito, lumipad ang mga Provincial Exemplary Children ng Region 9 papuntang Cebu upang makilahok sa NCC.

Kabilang sa mga delegates ng Region 9 ay ang nanalong Regional Exemplary 4Ps Child na si Erich A. Pabilona mula sa Siay, Zamboanga Sibugay, at ang mga Provincial Exemplary 4Ps Children na sina Samerah G. Undag mula sa Labangan, Zamboanga Del Sur, Zith Leemar A. Maghinay mula sa Liloy, Zamboanga Del Norte, at Marc Andrei D. Subiate mula sa Sta. Catalina, Zamboanga City.

Narito ang mga pahayag, mensahe, at pangarap ng mga batang 4Ps para sa mga kapwa bata.