Zamboanga City — Sa matagumpay na pagtatapos ng unang taon ng implementasyon ng Tara, Basa! Tutoring Program sa Rehiyon IX, naipamahagi na ang Cash-for-Work grants sa mga college student tutors at Youth Development Workers (YDW) bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa pagbibigay ng libreng tutorial services sa mga mag-aaral sa rehiyon.
Sa loob ng 20-araw na serbisyo, tumanggap ang 615 Tutors at 315 Youth Development Workers ng ₱414 kada araw—ang itinakdang minimum wage sa rehiyon—bilang kabayaran sa kanilang dedikasyon sa programang tumutok hindi lamang sa literacy development kundi maging sa nation-building.
Natapos ang payout para sa mga tutors at YDW noong Hulyo 2, 2025.
Samantala, sinimulan na ngayong Agosto 2, 2025 ang payout para sa 3,001 benepisyaryong magulang mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Bilang bahagi ng Nanay-Tatay Sessions, ang mga magulang ay tumatanggap ng ₱235 kada araw sa loob ng 20-araw kapalit ng kanilang aktibong partisipasyon sa mga sesyon na layong suportahan ang pagbabasa ng kanilang mga anak sa bahay. Nakatakdang matapos ang payout schedule para sa mga magulang sa darating na Agosto 6, 2025.
Ang Tara, Basa! ay isang inisyatibo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang mga lokal na pamahalaan at akademikong institusyon, na layuning tugunan ang learning poverty sa bansa habang pinapalakas ang partisipasyon ng kabataan at pamilya sa edukasyon at pagbabago.