ZAMBOANGA PENINSULA—MALUGOD NAMING BINABATI SI JANE MARIAN R. ALBERASTINE SA KANYANG PAGIGING ISANG DEAN’S LISTER NG JOSE RIZAL MEMORIAL STATE UNIVERSITY (JRMSU).
Si Jane ay tinanghal na Exemplary Child ng 4Ps noong 2018. Bilang isang 4Ps beneficiary, naiintindihan ni Jane ang kahalagahan ng edukasyon na siyang makatutulong upang maiahon ang kanyang sarili sa kahirapan.
Naaalala pa namin noong amin siyang bisitahin sa kanilang bahay sa Gutalac, Zamboanga Del Norte. Alas 5 pa lang ng umaga ay gumagayak na ito upang bumaba sa poblacion. Dala dala ang maliit na ilaw at ang kanyang pangarap, tinatahak niya ang madilim ng kagubatan pababa sa Poblacion upang makarating siya sa paaralan sa tamang oras. Sa pagsisikap niyang ito, natapos niya ang Senior High School at kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Accountancy.
Sa post ng JRMSU Student Affairs Services, makikitang kasali si Jane Marian Alberastine sa mga estudyanteng nakakuha ng pinakamataas na marka para sa taong 2024. Dahil dito, gagawaran siya ng Academic Excellence Award ng naturang eskwelahan para sa kanyang pagsisikap at husay.
Naniniwala ang programang 4Ps na ang mga children-beneficiary nito na gaya ni Jane ay mataas ang chansa na makaahon sa hirap dahil sa edukasyong kanilang maaabot sa tulong na rin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang programang 4Ps ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahirap na pamilya upang matugunan ang pangangailangan ng mga bata sa edukasyon at kalusugan. Ang bawat batang nasa Elementarya ay may nakalaang 300 pesos kada buwan mula sa programa, 500 pesos naman kada buwan para sa mga batang nasa Junior High School, at 700 pesos kada buwan para sa mga nasa Senior High School. Sa bawat pamilya, hanggang tatlong bata ang kayang suportahan ng programa. Bukod dito, nakakatanggap din ang bawat pamilya ng 750 pesos kada buwan para sa pangangailangang pangkalusugan, at 600 pesos para sa kanilang rice subsidy.
You must be logged in to post a comment.