“Bilang Timuay, hangad ko lamang na maging masaya ang mga tao sa aming komunidad. Masaya ako dahil nagawa namin ang sub-project at lahat ay makabenepisyo sa pinatayong Water System Level II sa aming lugar. Masaya ako na naging matagumpay ito dahil sa suportang binigay ng buong komunidad sa amin”.
Ito ang pangarap ni Timuay Junrey Andapit para sa kanyang kinasasakupan. Bukod sa pagiging isang Tribal Leader ay nagsisilbi ring siya bilang isang Barangay Kagawad sa Tinaplan, Leon B. Postigo, Zamboanga del Norte.
Ang kanilang barangay ay may layong 15 kilometro mula sa poblacion at nasa 70% sa mga taga rito ay katulad niyang Subanen. Kwento niya ay simple lamang ang pamumuhay sa kanilang lugar, karamihan ang pangunahing pinagkakakitaan ay ang pagbebenta ng kopras at goma. Kung mauubusan man ng bigas ay nairaraos naman sila ng tanim na mais, o kamoteng kahoy at saging na rin.
Dati na rin naging bahagi ng implementasyon ng Kalahi-CIDSS ang Bayan ng Leon Postigo kung kaya’t hindi na rin nanibago ang mga residente sa pagtanggap sa PAMANA IP-CDD. Sa katunayan gamit na gamit pa rin sa ngayon ang mga proyektong naipatayo noon ng Kalahi sa kanilang barangay.
Ngunit naroon pa rin naman ang kakulangan nila ng maayos na sistema ng patubig. Isa ito sa nakitang problema ng komunidad, kahit na mayroon silang water source ay wala naman silang reservoir. Ang kanilang water source ay nasa level I lamang at nag-iisa lang ang tapstand nito na hindi sasapat upang maserbisyuhan ang buong barangay maging ang kalapit nitong komunidad.
Ayon kay Timuay Junrey, kinakailangan pa nilang umalis ng maaga, pumila upang makapag-igib ng tubig dahil malayo-layo rin ang lalakarin patungo sa kinalalagyan ng tapstand.
Kung kaya’t napagkasunduan mula sa Tribal Leaders Meeting kasama rin ang mga opisyales ng barangay na bigyang prayoridad ang hinaing nilang water system.
Ang Water System Level II sub-project na kabilang sa implementasyon ng Batch 2, Cycle 1 ay nakadisenyo na may anim ngunit sila ay nakabuo ng labin-isang tapstand na nasadya sa matataong lugar sa kanilang barangay upang maibsan ang paghihirap ng mga residente dito sa pag-igib ng tubig para sa araw-araw na pangangailangan. Ito rin ay aalalay sa Lower Tinaplan CBFM Farmer’s Association.
Nataon rin sa nararanasang pandemia ay lalong nakikita nila ang pangangailan na maipatupad sa lalong madaling panahon ang nasabing proyekto. Natapos ang paggawa sa loob ng labing-apat na araw at noong ngang ika -29 ng Mayo 2020 ay pormal nang pinasinayaan ang Water System Level II sub-project na pinondohan ng PAMANA IP-CDD sa halagang Php950,000.00.
Ang PAMANA IP-CDD ay bunga ng pagpapalawig ng kasunduan ng Office of the Presidential Adviser for Peace Process (OPAPP) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS) na nagbibigay ng interbensyon sa paghahatid ng mga serbisyo at programa na nakatuon sa komunidad ng mga Indigenous People o katutubo gamit ang Community-Driven Development.
Ilang taon na rin mula nang naisakatupan ng isang pulitiko ang kanilang patubig, ngunit laking pasasalamat ni Timuay Junrey sa programa dahil hindi niya akalain sa dami ng barangay sa Leon Postigo ay nabigyang prayoridad ang hinaing nila.
Aniya “napahimuslan na namo ang proyekto, nagpasalamat kog dako bisan pay lisod ang trabaho ug tambong sa mga meeting pero nalipay ko kay successful ang project sa among barangay. Dili na maglisod sa tubig tungod nga duol na sa among tukaran”.
(Nagagamit na namin ang proyekto, laking pasasalamat ko kahit na mahirap ang trabaho at kailangang dumalo sa mga pagpupulong, pero natutuwa ako kasi natagumpayan namin ang proyekto sa aming barangay. Hindi na mahihirapan pa sa pag-salok tubig dahil nandito na lamang sa aming bakuran.) ###
You must be logged in to post a comment.