Hinihikayat ng DSWD ang mga batang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na ilahad ang kanilang mga pananaw at mensahe sa kasalukuyang kinakaharap na suliranin dulot ng banta ng Covid-19.
Ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga likhang sining na nagpapahayag ng kanilang damdamin o opinyon tungkol sa kanilang karanasan ngayong may pandemiya.
Ang aktibidad na ito ang tinatawag na Likha ng Bata, Para sa Bata.
Ayon sa Regional Program Coordinator ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Region 9 na si Flordeliza A. Atuy, mahalaga na malawak ang kaalaman at partisipasyon ng mga kabataan sapagkat isa sila sa mga sector na bulnerable sa ganitong sitwasyon.
Aniya, layunin ng programa na maihayag ang mga adbokasiya ng mga batang 4Ps sa kaligtasan at kooperasyon ng mga bata sa paghilom mula sa krisis.
“Bukod sa partisipasyon ng mga batanga 4Ps, gusto rin natin na hikayatin ang iba pang mga bata, kahit hindi miyembro ng 4Ps, na manatiling ligtas at sumunod sa mga tagubilin upang maiwasan ang sakit kaya natin ini-involve ang mga kabataan,” ani Atuy.
Maaaring magsumite ng mga obra sa City o Municipal Link kalakip ang iba pang mga mahahalagang impormasyon tulad ng maikling paliwanag sa ginawang sining, impormasyon tungkol sa sarili (pangalan, edad, tirahan, baitang sa paaralan) at sagutin ang mga sumusunod na katanungan.
a. Sino nga ba ako? (Pangalan, mga katangian, hilig, talento, atbp.)
b. Ano ang aking pangarap? (Sarili, para sa pamilya, para sa komunidad)
c. Ano ang aking mensahe para sa kapwa kabataan?
Ang mga mapipiling malikhaing sining ay mapapasama sa ililimbag na publikasyon ng DSWD.
You must be logged in to post a comment.