Sinimulan nang ipamahagi ang ayudang Emergency Subsidy mula sa Social Amelioration Program (SAP) para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na walang cash card o ATM cards.

Payout sa Camino Nuevo, Canelar, Capisan, at Sta. Maria, Zamboanga City

Sa buong Rehiyon IX, 7,723 ang mga benepisyaryo na walang ATM na target maabutan ng emergency subsidy. Aabot ang ayudang ito sa halagang PHP 28,188,950.

Bawat isang pamilya ay nakatanggap ng Php 3,650 na halaga ng ayuda. Ito ay dagdag sa kanilang regular na health grant (P750) at rice subsidy (P600) na ibibigay sa mga susunod na araw. Kung susumahin, Php 5,000 ayuda ang kanilang natanggap para sa isang buwan.

Sa datos ng 4Ps kahapon (Mayo 10), tinatayang 6,439 na pamilya na ang nabigyan ng ayuda. 1,281 sa mga ito ay mula sa Zamboanga City, 1,636 naman ang mula sa Zamboanga del Norte, 1,842 ang sa Zamboanga del Sur, at 1,680 naman ay mula sa Zamboanga Sibugay.

Isusunod naman ngayong araw ang pamamahagi ng ayuda sa bayan ng Isabela, Basilan at magpapatuloy din ang distribusyon para sa mga unclaimed o mga hindi pa nakakuha ng ayuda sa iba pang mga probinsya sa Zamboanga Peninsula.

Dahil walang ATM ang mga benepisyaryo, direktang bumababa ang mga kawani ng DSWD sa bawat barangay upang iabot ang nasabing ayuda.

“Una na nating nabigyan ng ayuda ang mga benepisyaryo na may hawak na ATM noong nakaraang buwan pa dahil mas madali nang ipasok sa kanilang mga ATM yun. Ngayon naman, tayo mismo ang gagawa ng payout pero syempre sisiguraduhin nating maayos ito,” ani ng Regional Program Coordinator ng 4Ps sa Region 9 na si Flordeliza Atuy.

Ayon sa programa, naging maayos ang pagsasagawa ng payout o distribusyon ng ayuda dahil sa pagsunod sa mga panuntunan upang makaiwas sa pagkalat ng virus.