Tindera sa isang 24/7 Convenience Store si Janet Denolan Gomez, 33, tubong Capase, Roxas, Zamboanga del Norte. Gabi-gabi siyang pumapasok sa trabaho mula alas 7 ng gabi hanggang alas 7 ng umaga. Di inaalintana ang pagod at puyat, mairaos lang ang pang araw-araw na gastusin ng kanyang maliit na pamilya.
May dalawang anak si Janet na pawang mga bata pa –ang panganay niyang anak na si RJ ay 12 años na at nasa Grade 7, samantalang ang pangalawa niyang anak na si Jeannie Rose ay 9 na taong gulang pa lang at nasa Grade 4 naman.
Hiwalay sa asawa si Janet at siya na lang ang tanging kumakayod para bumuhay sa kanyang mga anak.
Mula nang maipatupad ang Community Quarantine bilang paraan ng gobyerno upang maiwasan ang hawaan ng virus na COVID-19 sa bansa, nawalan na rin ng pang hanapbuhay si Janet dahil pansamantalang nagsara ang tindahang pinapasukan nito.
Dahil kabilang si Janet sa informal economy workers, apektado ito ng No Work, No Pay.
Masakit man sa kanyang loob, kinailangang gamitin ni Janet ang kakaunti nitong ipon upang maitawid ang kanilang pang araw-araw sa gitna ng quarantine.
Halos tatlong linggong nagtipid si Janet upang mapagkasya ang kanyang ang ipon sa araw-araw na gastusin. Walang kasiguraduhan kung may makakain pa sila kinabukasan.
Hanggang sa mabalitaan niya ang tulong para sa mga miyembro ng 4Ps kung saan kabilang si Janet. Ito ay ang Social Amelioration Program (SAP), isang programa na naglalayong matugunan ang pangangailangan ng mga bulnerableng sektor ng lipunan sa gitna ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ayon sa programang ito, makakakuha ng hindi hihigit sa Php 5,000.00 ayuda ang bawat miyembro ng 4Ps bilang emergency subsidy kasabay ng regular na natatanggap nito mula sa programa.
Nang makuha ni Janet ang SAP, agad siyang tumungo sa pamilihan upang bumili ng mga pagkain at iba pang gamit. Habang namimili, naalala niya ang kanyang 2 anak kaya naisipan niyang bumili ng itlog para sa mga ito.
Tuwang-tuwa ang mga bata sapagkat unang pagkakataon nilang makakain ng itlog ng pugo.
Malaki ang naging pasasalamat ni Janet sa DSWD at 4Ps dahil sa nalasap nitong tulong mula sa Social Amelioration Program. Ipinakita pa niya ang mga nabili niyang grocery.
“Grocery namin.. Malaking pasalamat ko talaga sa DSWD kasi napakalaking tulong nito sa akin lalo’t ako na lang mag-isa ang bumubuhay sa dalawa kong anak.. Kung wala ito, ewan ko kung saan ako kukuha ng pangkain namin,” ika ni Janet sa Facebook Page ng Pantawid Pamilya Region IX.
Isa lamang si Janet sa 289,116 na pamilya sa buong Zamboanga Peninsula na nakatanggap ng SAP sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Umaabot sa Php 1,055,273,400.00 ang halaga ng emergency subsidy na naibigay ng programa sa mga benepisyaryo nito ngayong panahon ng quarantine. Unang bahagi pa lamang ito ng ayudang ipagkakaloob sa mga benepisyaryo sa loob ng dalawang buwan.
You must be logged in to post a comment.