Maihahalintulad sa isang binhi na unti unti yumayabong kung si Ann Teffany Guevara, 11 taong gulang o sa mas kilalang si “Tep-Tep” kung ituring ng kanyang mga magulang. Ang kanyang pagsibol ay naambunan ng tamang pagkalinga at pag aaruga dala dala ang mga katangiang ipinababaon ng kanyang ama’t ina sa kanyang pang araw araw na pakikisalamuha.
Pangalawa si Teffanny sa apat na magkakapatid, salat man sa buhay, ngunit di nakitaan ng panghihina ng loob, bagkus ito’y mas pinagtibay ng pagpapanday ng sipag at may pagpapahalaga sa isa’t isa.
Nakatira ang kanyang buong pamilya sa Sitio Cocalan, Brgy.Tictapul mahigit walumput anim (86kms) na kilometro mula sa sentro ng Zamboanga City. Inaabot ng isa’t kalahati hanggang dalawang oras ang byahe at Itinuring isa sa mga pinakadulong barangay ng siyudad na may higit kumulang tatlong libong (3,000) residente at limang daan at walumpu’t pitong (587) benepisyaryo ng programang Pantawid Pamilya. Karamihan na pinagkakakitaan ng mga naninirahan rito ay ang pangingisda at pagsasaka.
Taong 2009 nang maassess ng Listahanan o dating mas kilala sa National Household Targeting System ng DSWD. Mapalad ang pamilya nito na mapabilang sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya SET- 4A noong taong 2011. Maituturing isang pag-asa ang bumukas sa kanilang pamilya dahil narin sa napakagandang pagkakataong maging bahagi sa isa sa mga milyon milyong benepisyaryo ng Pantawid sa buong bansa.
Ayon sa magulang ni Tep-Tep, hindi na kinakailangang magbenta ng Yema at Kendi ang kanyang mga anak para makapag ipon lang ng baon at gastusin sa paaralan. Hindi na rin kailangang mamoblema ang mga anak nila na pumasok sa paaralan dahil nakakain na ito ng maayos,may sapat na pambaon at nakakapagsuot na rin ng maayos na uniporme na dati rati’y hirap na hirap silang itaguyod ito.
Gayunpaman, hindi kailanman naging balakid o nakaramdam ng pangmamaliit sa sarili si Tep-Tep dahil na rin sa mga hirap na kanilang pinagdaanan. Kahit kalawangin na ang halos labing anim (16) na taong gulang na tricycle, nagsisilbi parin itong bagong pag-asa sa kanila lalung lalo na sa Ama na kumakayod para sa Pamilya. Ito’y sumisimbolo ng patuloy na pagdaloy ng kanilang pamumuhay.
Sa kakarampot na kinikitang isandaang (Php100) piso kada araw ng amang pumapasada ng tricycle, batid nito ang hirap ng pagkakasya ng kaunting kita sa kanilang pagtutostos ng mga pangangailangan sa paaralan at maging sa kanilang pagkain sa hapag kainan. Hindi man nakapagtapos ng pag aaral ang mga magulang, naging matayog naman ang kanilang pagpupursigi na makatapos ang mga anak. High school lamang ang natapos ng ina na si Aling Alice, 43, samantalang elementarya naman ang natapos ng ama na si Mang Fermin, 47. Hindi man nabigyan ng pagkakataong makapagtapos dahil narin sa walang kapasidad ang mga ito na maipagpatuloy ng kanilang pag-aaral, nakapagsibol naman sila ng mga mababait at matatalinong anak na ngayo’y nagbibigay ng karalangan sa kanila.
Mangiyak-ngiyak nang ibinahagi ng mga magulang nito ang saya at kagalakan sa matiyagang pagpapakita ng kanilang mga anak ng interest sa pag aaral. “Minsan ay Napapaluha na lamang ako kapag napapaisip. May kagalakan ang aking puso dahil sinusuklian nila ang sakripisyo namin para sa kanilang magkakapatid”, wika ng Ina.
Buo ang tiwala ni Tep-Tep na di lamang ito ang mga pagsubok na kailangan niyang kakaharapin, kahit bata man ay alam niyang dapat mas matatag siyang haharap sa mga nagdadala ng pagsubok. Kahit sa murang isip ay alam niya kung paano mamuhay ng may dahilan.
Ang talas ng isip nito sa pagbabasa at mga natututunan sa paaralan ay nagagamit sa pamamagitan ng kanyang serbisyo sa libreng pagtu-Tutor. Matagal nang pangarap nito ang maging isang guro upang makapagsilbi sa kanilang komunidad. Madalas ay naglalaan ito ng panahon upang dumayo sa kanyang mga pinsan at kapitbahay tuwing bakanteng oras upang ibahagi ang serbisyong may puso at pagmamalasakit sa kapwang di pa sapat ang kakayahang bumasa. Siya rin ang nagsilbing instrumento sa pagsasanay ng kanilang munting bunsong lalake upang matutong makapagsulat ng sariling pangalan at bumasa. Ang lahat ng ito ay dahil sa kanyang adhikaing makapagsilbi habang inilalapit ang sarili sa pangarap nyang propesyon sa kasalukuyan.
Naipagmamalaki rin nito ang naging magandang resulta ng kaniyang pagpupursigi dahil na rin sa mga magandang marka na nakukuha ng kanyang mga natutulungan.
Nakapagtapos si Tep-Tep ng Valedictorian sa Tictapul Elementary School at hanggang sa kasalukuyan ay nanatili parang mataas at nangunguna ang kaniyang mga marka na siyang namang naging susi sa pagkamit ng kanyang mga parangal.
Dahil na rin sa angking kasipagan at kagalingang taglay, nakitaan rin ito ng kanyang mga guro sa Tictapul National High School ng kakayahang makaimpluwensya at makapagbahagi ng inspirasyon sa mga kabataan. Madalas siyang kinukuhang tagapagsalita o tagabigay ng mensahe na siya mismo ang may akda sa harap ng daan daang studyante at guro sa kanyang paaralang pinapasukan.
Taglay na rin ni Tep-Tep ang katangiang tulad nito dahil mula noong siya ay nasa elementarya pa, aktibo at pursigido itong magkaroon ng mga magandang pagbabago. Buong kagalakan namang kinikilala ng kanyang dating Punong Guro na si Ginoong Ireneo Caguitla ang maayos na pamamahala sa mga proyekto ng paaralan sa ilalim ng pamumuno nito bilang pangulo ng Supreme Pupil Government (SPG). Kinakitaan ito ng katangian ng isang Lider na kung saan ay Pinamunuan nito ang kaniyang mga miyembro sa SPG na ipagpatuloy ang pagtatanim ng bakawan sa sitio Lakpan sa kanilang barangay, kaya’t noong nagkaroon ng pagkakataon na maglunsad ang lokal na barangay ng Mangrove Planting Activity, nakita ang aktibong partisipasyon nito.
Hindi kailanman minaliit ni Tep-Tep ang kanyang munting kontribusyon bagkus pinagmamalaki pa nito ang kanyang pagpapahalaga sa konserbasyon ng bakawan sa lugar. Naibahagi rin nito na madalas nilang binabalikan ang mga Mangrove sa lugar upang imonitor ang tamang paglago nito at masiguradong hindi nauulit ang iilang kaso ng pagpuputol ng mga ito. Ayon pa sa Kapitan ng barangay, nagsisilbing kanlungan ito ng mga isda at iilang pagkaing dagat na siya rin namang kinabubuhay ng mga taga-roon. Kaya naman, patuloy ang kanilang adbokasiya tuwing taon sa Pagpapalaganap at Pagpapaigting ng adbokasiya sa konserbasyon ng Bakawan.
Malaki na rin ang mga itinanim na Puno nina Tep-Tep sa munting bakuran ng kanilang Mini Garden na siya ring naging atraksyon sa dating pinapasukang paaralan. Maliban rito, nagsagawa rin sila ng paglalagay ng mga basurahan sa loob, madalas rin ang kanilang pagmomonitor sa lahat ng mga baitang na umaalinsunod sa kanilang adbokasiyang mapaganda at mapanatiling malinis ang paaralan. Dahil rito, mas naging makabuluhan ang serbisyo nito sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Talaga namang nakitaan si Tep-Tep ng pagpapahalaga sa kapaligiran kaya naman kahit sa kanilang tahanan ay dala dala rin niya ito. Malaki rin ang naging kontribusyon nito sa pagpapalago ng kanilang munting hardin sa bakuran na may mga tanim na samu’t saring gulay at prutas tulad ng papaya, saging, kamote, kalabasa at marami pa.
May tuwa rin sa Puso ng kasalukuyang Punong Barangay na si Anastacio Cabayacruz ukol sa pagiging aktibo ni Tep-Tep sa komunidad. Kahit ang buong Tictapul barangay council ay ipinagmamalaki at kinikilala ang kanyang naging mga kontribusyon. Tuwing Lingo, nagsisilbi si Tep-Tep at ang kanyang buong pamilya sa kapilya ng San Isidro Labrador bilang Lector at Commentator. Bahagi rin ito sa Choir na siyang nagbibigay himig tuwing may idinadaos na misa. Madalas ding nababanggit ng punong barangay na may mga suhestiyon at magandang plano si Tep-Tep na nais isulong sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon na makapag usap sila. Bilib na bilib rin ito sa angking pagpapahalaga nito sa komunidad at nakikitaan ng potensyal ng pagiging isang lider na tagapag-lingkod. “Nawa’y lagi siyang Magdasal, alagaan ang kalusugan dahil nakikita ko na magkakaroon siya ng magandang trabaho dahil na rin sa kanyang mga kaalaman at talento” Dagdag pa nito.
Higit sa medalya at karangalang natatanggap, hindi masusuklian ang serbisyo ng mumunting kamay na nagpapadaloy ng pag asa sa sinumang nakakasalamuha nito. Tila isang mahika kung titingnan, ngunit ang misteryo ay nasa busilak na puso, angking galing at talino ni Tep-Tep na kahit sa murang edad ay may kapasidad na makapagpundar ng inspirasyon at makapagbigay ng pagbabagong kontribusyon kahit sa isang pagpikit ng mga mata’y di mo iisiping sa murang nitong edad ay kayang makapagsaboy ng Pag-asa.
Sa kasalukuyan, isang grupo ang binubuo ng mga guro sa Tictapul National High School na naglalayong magkaroon ng Tutorial Reading sessions para sa mga estudyanteng hirap paring bumasa. Napipisil na isa si Tep-Tep sa mga batang makatutulong upang magbigay ng serbisyo para sa kapwa estudyante.
Ang kahirapan ay naging sakit ng lipunan, sa patuloy na paglipas ng araw may nananatili paring nasa laylayan, ang iilan ay dumadausdos, pumapaitaas, sumasabay na lamang sa daloy ngunit kung hindi kikilos, kailanman ay makukulong sa dilim at mabubulag sa katotohanang-May Pag-asa pa!.
Ang Pagbabago ay matatamo kung may lakas ng loob ang bawat isa na simulan ito sa sarili kahit sa mga simpleng paraan. Si Tep-Tep ay sumasalamin lamang sa libo libong batang Pilipinong magsisimula at magpapatuloy ng pagbabago sa kanilang pamilya. Isang inspirasyon na maituturing kung paano lalabanan ang kahirapan nang may bukod tanging dahilan. Taglay nito ang kabuuang liksi, talino at puso na hindi lamang sa kanyang sarili magmumula kundi sa paghahalo-halo ng buong pwersa ng komunidad at pamilyang kanyang ginagalawan. Namumutawi sa kanyang mga labi ang sinseridad ng kanyang mga sinsabi, kitang kita sa kanyang mga mata ang kagalakan sa puso at dumadagundong ang ingay ng kanyang naging mahalagang kontribusyon.
Si Ann Teffany Guevara ay mukha ng Pagbabagong magtutuloy-tuloy! Inspirasyon ng kabataan, may pag-Ibig sa bayan at huwaran na dapat tularan.
You must be logged in to post a comment.