Ang mga magulang, kayang magtiis para sa ikabubuti ng mga anak.
Dinig ni Charlene Buque Caja ang tunog ng kanyang nagugutom na tiyan. Sa hindi permanenteng kita ng kanyang asawang drayber, may mga panahon noon na kailangan niyang balewalain ang nag-iingay na kumakalam na tiyan dahil mas uunahin niyang pakainin ang kanyang mga anak.
Si Samuel naman, asawa ni Charlene, ay pinupukpok ng awa dahil hindi niya maibigay ng sapat ang pangangailangan nilang pamilya.
Kung minsan, pangungutang sa kapitbahay ang solusyon upang mairaos ang tagtuyot na araw, lalo na sa panahon ng emerhensiya.
Maliliit pa noon ang kanilang 3 anak kung kaya’t mas kailangan nila ng alaga at nutrisyon. Sina Charlsamie, Samuel Jr., at Charuel. Walang muwang na naglalaro sa munti nilang bahay. Walang mga magarang laruan, walang mga bagong damit, ngunit may mapagmahal na mga magulang. Kaya naman buong araw nagsisipag ang mag-asawa upang hindi magutom ang kanilang lumalaking mga chikiting.
Mataas ang pangarap ng mag-asawa para sa mga bata. Ayaw nilang maranasan ng mga bata ang sinapit nilang dalawa bunga ng kahirapan.
Sa pamamasada ni Samuel umaasa ang Pamilya Caja. Ngunit kung minsan ay talagang hindi sapat ang kita kahit maghapon na bumyahe. Kaya naman hindi naipagkakasya ang kita noon upang bilhin ang mga gusto nilang ibigay para sa mga anak.
Mas lalo pa silang nahirapan noong nagsimula ng pumasok sa paaralan ang mga bata. Pamasahe sa eskwela, project, baon sa araw-araw. Iyan ang mga gastusin na kahit na maliit ay mahirap pa ding iraos ng mag-asawa.
Sa tuwing nagkakasakit ang mga bata, home remedy o alternative medicine ang solusyon ng Pamilya dahil wala rin silang sapat na pera upang magpagamot sa ospital.
Isang malaking biyaya umano ang mapabilang sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Hindi man kalakihan ang kanilang natatanggap mula sa programa ay malaking tulong na umano ito upang makapagbigay ahon sa kanilang Pamilya.
Dahil dito, mas natutugunan nila ang pangangaliangan ng mga anak sa kalusugan at edukasyon. Mas nakakapag-focus ang mga bata sa pag-aaral.
Katunayan, si Charsamie ay nasa 3rd year college na ngayon at kumukuha ng kursong Bachelor of Secondary Education (BSED). Samantalang si Samuel Jr. naman ay 2nd year college na rin sa
kursong Bachelor of Science in Business Administration (BSBA). Ang kanilang bunsong kapatid naman na si Charuel ay nasa Grade 3. Konting pagpupursigi pa at matutupad na nila ang kanilang ipinangako sa mga bata na pagtupad sa kanilang mga pangarap. Konti na lang at magbubunga na ang kanilang mga paghihirap.
Sa ngayon, ibinabalik ni Charlene ang pasasalamat sa programa sa pagiging isang Parent Leader ng mga miyembro ng 4Ps sa Zamboanga Del Norte. Naninilbihan din siya bilang isang Barangay Health Worker sa kanilang komunidad.
Sa kanilang mga pinagdaanan sa buhay, may mensahe si Charlene para sa mga miyembro ng 4Ps:
“Magpabiling mapailubon, magpadayon nga matinud-anon ug lig-on sa inyong paningkamot, ug gamita ang tabang nga madawat isip hagdanan padulong sa kaugalingong kalig-on. Nagatuo siya nga ang matag pamilya adunay kahigayunan nga makalingkawas sa kakabos pinaagi sa determinasyon, panaghiusa, ug pagtuo.”
[Pahabain ang pasensya, manatiling masipag at matatag sa inyong Gawain, at gamitin ang tulong na natatanggap bilang hagdan tungo sa kaginhawaan. Naniniwala siya na ang bawat Pamilya ay may pagkakataong makawala sa kahirapan sa pamamagitan ng detrminasyon, pagkakaisa, at pananalig.]







You must be logged in to post a comment.