Magpupulot ng bunga ng niyog. Ibebenta.

Sa ganyang gawain nabuhay si Nordeena Kasim Asaali, tubong Patikul, Sulu. Araw-araw, pasan ng kanyang pamilya ang suliranin kung papaano mabubuhay sa bawat dilat ng kanilang mga mata sa umaga.

Kung hindi makakahanap ng niyog o hindi makakabenta sa isang araw, balik sa pangungutang ng bigas upang sila ay makakain.

Aminado si Nordeena na dahil sa kahirapan at kawalan ng pera, kung minsan ay nawawalan na rin siya ng mukhang ihaharap sa mga tao, sa tindahang pinagkakautangan, at maging sa mga kaklase nito.

 

May mga pagkakataon, nahihiya akong pumasok dahil sa wala akong gamit at baon,” ani Nordeena.

Ngunit may pangarap siya. Pangarap niyang maging isang guro.

Ganito ang tinatayaan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Tinatayaan nito ang mga pangarap ng bawat batang galing sa hirap na nangangarap makaahon sa buhay.

Noong 2009, isa sa mga naging miyembro ng 4Ps sa Patikul, Sulu ang pamilya ni Nordeena.

Malaking tulong ang 4Ps sa aking pag-aaral… Nakatulong ito sa pagbili ng school uniforms, notebooks, lapis, ballpen, pamasahe, at pagkain at iba pang pangangailangan sa paaralan. Naging focus ako sa pag aaral [ng hindi] iniisip kung makakapulot ba kami ng bunga ng niyog sa daan para maibenta at maipandagdag sa mga kailangan.”

Sa suportang ito ng pamahalaan, naitawid ang pag-aaral ni Nordeena hanggang makapagtapos siya ng Senior High School.

Sa kolehiyo naman, Bachelor of Secondary Education ang kursong kanyang kinuha bilang pagtupad sa kanyang childhood dream.

At noong 2024, matagumpay niyang natapos ang kanyang kurso at nakapagtamo ng parangal bilang CUM LAUDE sa Mindanao State University.

Sa ngayon, siya ay isa ng ganap na Senior High School Teacher sa Notre Dame of Jolo College – Senior High School.

Isa sa mga pinag-ipunan niya ay ang nabiling pampasaherong jeep na siyang iniregalo niya sa kanyang amang drayber. Tinutulungan niya na rin ngayon ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid upang matupad din nila ang kanilang mga pangarap.