Sa maliit na isla ng Malamawi sa Isabela City, Basilan, nangarap ang mag-asawang Mohammad. Payak ang kanilang buhay at wala silang ibang kayamanan kundi ang kanilang sinisimulang pamilya kasama ang kanilang 3 maliliit pa lamang na mga anak. Ngunit isang pangyayari ang sisira sa noo’y kasisimula pa lang na pangarap.
Luha. Tanging tahimik na luha lamang kayang ilabas ni Vhenicar S. Mohammad sa mapait na naganap sa kanyang buhay. Maagang binawian ng buhay ang kanyang asawa at naiwan siyang walang-wala.
Para sa kagaya niyang walang ibang aasahan kundi ang kanyang asawa, paano na sila ng kanyang maliliit na anak?
Kasabay ng matinding pagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang asawa ay ang mabigat na responsibilidad ng pagiging parehong ina at ama sa kanyang mga anak. Wala siyang maayos na pinagkakakitaan noon kaya’t madalas niyang isipin kung paano maitatawid ang bawat araw at kung paano maibibigay ang pangangailangan ng kanyang mga anak.
Taong 2023 nang maipasok sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Isa itong poverty-alleviation program o programang tumutulong na i-angat ang antas ng pamumuhay ng mga pamilyang nangangailangan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa kalusugan at edukasyon ng mga bata.
Bilang isang solo parent ng 3 nag-aaral na anak at ang tanging pinagkakakitaan ay pananahi at paggawa ng mga disensyo, malaking tulong aniya ang pagiging miyembro ng 4Ps.
“Natustusan ko ng mabuti ang aking mga anak pagdating sa kanilang pag-aaral at iba pang pangangailangan. Naging mas responsable ako kung paano humawak ng budget at mas naintindihan ko ang kahalagahan nito pagdating sa edukasyon at kalusugan,” pahayag ni Vhenicar.
Sa kabila ng hirap, hindi nawala sa kanyang puso ang pangarap para sa pamilya. Isang pangarap na sabay na tinutupad kasama ng 4Ps. Ligtas, maayos, at masaganang buhay, ito ang mga bagay na nais niyang ibigay sa kanyang mga anak.
Higit sa lahat, nais niyang makita ang kanyang mga anak na makapagtapos ng pag-aaral at matupad ang kanilang mga pangarap. Malaki ang tiwala niya sa mga ito sapagkat kahit ngayong bata pa lamang sila, “achiever” na umano ang mga ito sa paaralan.
Binigyang-diin din ni Ginang Vhenicar na hindi lamang sa pinansyal na aspeto siya natutulungan ng programang 4Ps. Marami umano siyang natututunang mahahalagang aral sa wastong pag-aalaga ng mga bata, tamang paghawak ng pera, at pagiging responsableng nanay at tatay mula sa dinadaluhan niyang Family Development Session o FDS buwan-buwan.
Sa kasalukuyan, aktibong nag-aaral ang kanyang tatlong anak. Grade 12 na sa darating na pasukan ang kanyang panganay na anak at kasama pa sa Top 10 noong ito ay Grade 11. Ang kanyang pangalawa at pangatlong anak naman ay parehong With Honors sa Grade 8 at Grade 1.
Bukod sa pagiging responsableng magulang, isa rin siyang aktibong miyembro ng kanilang komunidad. Nakikilahok siya sa mga programa sa barangay at tumutulong sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang lugar. Dahil dito, nakatanggap din siya ng ilang pagkilala bilang aktibong miyembro ng komunidad.
Kasabay nito, patuloy niyang ginagabayan ang kanyang mga anak upang magsikap sa pag-aaral at huwag sayangin ang tulong na ibinibigay ng gobyerno sa pamamagitan ng 4Ps.
Para kay Vhenicar, hindi totoo na ang 4Ps ay nagiging dahilan upang maging tamad ang mga tao. Sa halip, ito ay nagsisilbing katuwang ng mga pamilyang nangangailangan upang makabangon at magkaroon ng pag-asa. Naniniwala siyang ang tunay na susi sa pagbabago ay nasa sipag, tiyaga, at determinasyon ng tao.
Ang kwento ni Vhenicar S. Mohammad ay isang patunay na ang isang ina ay kayang lampasan ang anumang pagsubok alang-alang sa kanyang mga anak. Sa tulong ng 4Ps at sa kanyang walang sawang pagsisikap, patuloy niyang binubuong muli ang isang pangarap na minsang sinubok ng buhay.
Pangako niya na patuloy niyang tutuparin ang pangarap na pareho nilang sinimulan ng kanyang yumaong asawa.











You must be logged in to post a comment.