Marahil ay karaniwang aktibidad lang para sa karamihan ang pagtatanim ng gulay. Pero para sa isang nanay mula sa barangay Salaan sa Zamboanga City, ito ay isang investment o pamumuhunan. Ayon sa kanya, may kayamanan sa gulayan.
Panahon ng pandemiya noong magsimulang magtanim si Emie Rose Perez, tubong Sitio Balunu, Salaan, Zamboanga City. Katuwang nito sa pagtatanim ang kanyang mister na kung isalarawan niya, umano, ay masipag.
Kwento ni Emie, malaki ang naitulong sa kanila ng pagtatanim ng gulay lalo na noong naapektuhan sila ng pandemiya bungsod pagkalat ng Covid-19 virus noong 2020.
Bukod sa pang-araw-araw na pangkonsumo nilang pamilya, naging source of income o dagdag na kita din ang pagtinda ng kanilang mga inaani mula sa inaalagaan nitong mga pananim.
“Ang klase ng aking gulayan ay communal farming… [S]a pagkakaalam din naman natin na noong panahon ng pandemya ay sadyang mahirap ang buhay dahil sa COVID -19 pandemic. Marami ang naging apektado at isa kame doon,” saad ni Emie Rose Perez.
Iba-iba ang mga klase ng gulay na itinatanim ng Pamilya Perez, nariyan ang ampalaya, sitaw, kamatis, at ang siling labuyo. Sa siling labuyo umano sila nakakakuha ng extra income dahil sa maliit na puhunan at hindi ito mahirap alagaan.
Sa kwentong ibinahagi sa amin ni Emie Rose, may ilang tips siya para sa ibang mga pamilya na gusto ring subukan ang pagtatanim ng gulay.
“kailangan lang ay panatilihing malinis ang paligid at walang mga unwanted weeds..at hindi lamang iyon , kailangan din may desikasyon ka din para palagi kang ganado sa pagtatanim,” payo ni Emie Rose sa mga nais magsimula ng gulayan.
Ang Pamilya Perez ay isa sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), isang programa ng pagpapaunlad ng pamilya na pinatatakbo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Noong 2017, ipinatupad ng programang ito ang Bio-Intensive Gardening o BIG na kung saan ay hinihikayat ang lahat ng miyembro ng 4Ps na magpanatili ng backyard, container, o communal garden. Kalaunan, ang BIG ay naging Gulayan Sa Barangay na ipinapatupad ng DSWD hanggang ngayon.
Bukod sa DSWD, sinusuportahan din ng Department of Agriculture (DA) ang mga miyembro ng 4Ps na ang ikinabubuhay ay pagtatanim.
“laking pasasalamat ko din sa Philippine Coconut Authority (PCA), malaking tulong sa amin dahil binigyan kame ng libreng punla ng gulay, cacao, niyog, at fertilizer,” ika ni Emie Rose.
Ang DA ay isa sa mga ahensya ng pamahalaan na kabilang sa National Advisory Council o NAC, isang grupo ng mga sangay ng gobyerno na naglalayong tulungang mas patatagin ang programang 4Ps.
Noong nakaraang taon, nakasama sa seminar ng DA si Aling Emie Rose at iba pang mga miyembro ng Salaan Farmers Association na ginanap sa Zamboanga City.
“Malaking tulong ang gulayan sa aming pamilya dahil ito ang source of income namin, lalo na sa pag-aaral ng aking mga anak, sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay ay napapaaral ko sila at nasusuportahan namin ang aming pamilya,” dagdag pa niya.
Dalawa ang anak ni Emie Rose at ang panganay nito na si Rose Ann ay kasalukuyang nasa kolehiyo na at kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Elementary Education. Natutulungan umano siya ng gulayan sapagkat dito niya kinukuha ang ibang gastusin para suportahan ang pag-aaral ng anak.
Ang programang 4Ps ay nagbibigay ng tulong pang-edukasyon at kalusugan hanggang ang bata ay makapagtapos ng Senior High School o kapag siya ay tumuntong na sa edad na labinsiyam. Sa kolehiyo, wala ng ayuda na ibinibigay ang programa kaya naman malaking suporta ang nagagawa ng mga ahensyang partner nito, gaya na lamang ng DA, para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng pamilya.
“Lubos kaming nagpapasalamat dahil may ganitong mga ayuda na binibigay ang ating gobyerno sa aming mga mahihirap.”
Iminumungkahi ni Emie Rose na lahat ng miyembro ng 4Ps ay magkaroon ng gulayan sapagkat bukod napapanatili nito ang magandang kalusugan, nakakatulong ito sa kapaligiran, at sa pinansyal na aspeto ng isang pamilya.
“Sana po itong kwento at karanasan naming sa pagsasaka na naibahagi ko ay makatulong sa kapwa kong benepisyario sa program na magsasaka at lalo’t na mga nanay at iba pang na gusto din mag tanim ng gulay , marami po tayong mga ibang paraan ng gulayan, pwede tayo magtanim sa inyong bakuran, pwede din through container, sako at marami pang iba.”














You must be logged in to post a comment.