Sa isang Facebook post ng DSWD Field Office 9, nagpahiwatig ng pasasalamat si Ginang Almar Asaali mula sa Zamboanga City dahil sa pagkakaabot ng pangarap ng kanyang anak. Ang kanyang panganay na anak na si 𝐙𝐡𝐲𝐫𝐚 𝐅𝐨𝐧𝐭𝐚𝐧𝐢𝐥𝐥𝐚 𝐀𝐬𝐚𝐚𝐥𝐢 ay ganap ng isang guro mula ng makapasa sa Licensure Examination for Teachers noong Setyembre 2025.

Si Zhyra ay isang bata na sinuportahan ng programang 4Ps sa pamamagitan ng pagbibigay ng grant para sa edukasyon at kalusugan. Nakapagtapos ito ng Bachelor of Secondary Education Major in Mathematics sa Western Mindanao State University noong nakaraang taon bilang isang 𝐂𝐔𝐌 𝐋𝐀𝐔𝐃𝐄.

Ayon sa comment ni Ginang Almar, nabigyan ng pag-asang magkaroon ng magandang kinabukasan ang bata dahil sa tagumpay na ito.

Naniniwala ang 4Ps na upang matulungan ang isang pamilya na makaahon sa kahirapan at wakasan ang tinatawag na intergenerational cycle of poverty, kinakailangan siguraduhin na malusog, nakaka-pokus sa klase, at nakakapag-aral ang mga bata. kaya naman ang mandato ng 4Ps ay tulungan ang bawat pamilyang miyembro ng programa sa pamamagitan ng pagbibigay suporta para sa edukasyon at kalusugan.

Para sa mga batang nasa elementarya, 300php kada bata bawat buwan ang natatanggap ng isang pamilya. P500 naman kapag nasa Junior High School, at P700 kung siya ay nasa Senior High School. Mabibigyan sila ng tulong pang-edukasyon sa loob ng 10 buwan sa isang taon. Ngunit matatanggap lamang nila ito kapag ang bata ay umabot sa 85% ang attendance rate sa paaralan. Ang DepEd, na siyang partner ng DSWD, ang nagche-check kung pumapasok ang bata sa klase. Hanggang 3 anak lamang ang maaaring maipasok ng isang pamilya bilang monitored child ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Samantalang para sa kalusugan naman, P750 ang natatanggap ng isang pamilya sa loob ng isang buwan. Para makatanggap nito, kailangang regular na nagpapacheck up ang mga bata sa health facility kasama na dito ang pagpapabakuna, deworming, preventive check-up, at pre at post natal check kung ang nanay ay buntis.
May dagdag na P600 kada buwan naman sa mga natatangap ng pamilya bilang rice subsidy.

Bukod sa mga kondisyong nabanggit bago makatanggap ng grant, kailangang ang magulang ay dumadalo din sa tinatawag na Family Development Session o FDS kung saan ay tinuturuan ang mga magulang ng tamang pagpapalaki sa mga bata o parenting, disaster preparedness, karapatan ng kabataan at kababaihan, financial management, at ibang pang kaalaman na maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng isang pamilya.

Sa ngayon, mayroong humigit-kumulang 280k na pamilya sa Region 9 at Probinsya ng Sulu ang natutulungan ng progamang 4Ps.