Zamboanga City – Bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda para sa 2026 implementasyon ng Tara, Basa! Tutoring Program, patuloy na nagsasagawa ang Regional Program Management Office (RPMO) ng DSWD Field Office IX ng serye ng coordination at exploratory meetings sa mga kalapit na lungsod at munisipalidad na itinuturing na potensyal na magiging bahagi ng implementasyon ng programa sa susunod na taon.
Sa inaasahang pagpapalawak ng saklaw ng programa, posibleng madadagdagan ang makikinabang sa 2026 implementasyon. Kabilang dito ang bilang ng mga learner, magulang, tutor, at Youth Development Workers (YDW) na magsisilbing katuwang sa pagpapatupad ng Tara, Basa! Tutoring Program sa mga komunidad.
Noong buwan ng Disyembre, nagsagawa ang RPMO ng sabay-sabay na exploratory meetings kasama ang mga kinatawan at kawani ng iba’t ibang lokal na pamahalaan, partikular sa Isabela City, Basilan; City of Pagadian; at Munisipyo ng Rizal, Zamboanga del Norte, gayundin sa Dapitan City. Layunin ng mga pagpupulong na ito na tukuyin ang kahandaan at interes ng mga lokal na pamahalaan sa pakikilahok sa programa.
Kasabay nito, bumisita rin ang DSWD Field Office IX sa ilang State and Local Universities and Colleges (SUCs at LUCs) na posibleng maging karagdagang katuwang sa implementasyon ng programa sa 2026. Kabilang sa mga institusyong napuntahan ang Zamboanga Peninsula Polytechnic State University (ZPPSU), Basilan State College, Western Mindanao State University – Pagadian Campus, at Jose Rizal Memorial State University.
Ang mga exploratory meetings na ito ay naglalayong ipakilala at ipaliwanag ang layunin, mekanismo, at benepisyo ng Tara, Basa! Tutoring Program sa mga potensyal na partner stakeholders. Tinalakay rin sa mga pagpupulong ang posibleng kontribusyon, mga tungkulin, at antas ng commitment ng bawat institusyon at lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos, episyente, at matagumpay na implementasyon ng programa sa 2026.
Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan at koordinasyon, pinatitibay ng DSWD Field Office IX ang mga pundasyon ng Tara, Basa! Tutoring Program bilang isang mahalagang inisyatibo na naglalayong paigtingin ang literacy development at youth engagement sa rehiyon.


