ZAMBOANGA CITY — Patuloy ang pagsasagawa ng mga profiling, reach-out, at reintegration activities ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Rehiyon IX sa ilalim ng Pag-abot Program, sa pangunguna ni Regional Program Coordinator Jemaicah Dollete, bilang bahagi ng kanilang layuning matulungan ang mga kababayang nangangailangan ng tulong pangkabuhayan at serbisyong panlipunan.
Batay sa datos ng programa, umabot na sa mahigit isandaan at walumpung (180) benepisyaryo ang na-profile mula sa Zamboanga City at Talusan, Zamboanga Sibugay. Samantala, mahigit tatlumpu (30) benepisyaryo naman ang matagumpay na naiuwi mula sa iba’t ibang rehiyon at mula sa Central Office pabalik sa kanilang mga pamilya.
Layunin ng Pag-abot Program na abutin at tulungan ang mga nasa bulnerableng sektor ng mga bata, indibidwal, at pamilyang naninirahan sa mga lansangan at yaong mga nagnanais na makauwi sa kanilang pamilya ngunit kapos sa pinansiyal na kakayahan.
Matapos silang maipauwi, ang mga benepisyaryo ay binibigyan ng Social Protection Services Tulad ng Transportation/Relocation Assistance, Financial Assistance, Transitory shelter Assistance, Livelihood Assistance, Employment Psychosocial Support Assistance, at Employment Assistance.
Ngayong 2025, nasa labimpitong (17) benepisyaryo na ang nakatanggap ng Livelihood Assistance mula sa Pag-abot Program ng DSWD Rehiyon IX patunay ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na maibalik ang dignidad at kabuhayan ng mga pamilyang dati’y nawalan ng tirahan at kabuhayan.


